top of page
_MG_3744.JPG

MARCH 25, 2020. MNL, PHL

pebrero, biglang ingay ng mundo.

may sakit na lumabas mula sa kabilang bansa.

mula daw sa pagkain ng isang uri ng hayop.

kumalat at naghihikahos ang mga tao sa ibang parte ng mundo.

sa unang ingay kalmado pa ang mga tao sa mundo.

normal na galaw at hanap-buhay.

eskwela, trabaho, pasyalan, kainan atbp.

tila hindi sila nabahala.

halos kakatapos lang ng pag-alburoto ng taal.

ubos ang mga pangunahing proteksyon pangontra sa abo.

facemask.

mapa-groceries o botika, ubos ang reserba't paninda.

hassle lang dahil sa mga taong gustong kumita at manamantala.

pero, tuloy ang galaw.

gagawa at gagawa ng paraan ang noypi para magkaroon.

madiskarte.

mag-iisang buwan na ang lumipas.

mas lalong lumolobo ang bilang ng mga taong apektado.

hindi lang sa tsina kung saan nagsimula, kundi sa buong mundo.

nakaka-alarma.

dumating na ang sakit sa ating bansa.

mga klase ay panandaliang sinuspinde.

mga ibang opisina'y naalarma ng ka-onti.

sa araw-araw na pakikisalamuha at patintero sa iba't-ibang tao.

malamang sa malamang isa sa kanila ay positibo.

marso.

akala ko hindi na kakalat at lolobo ang apektado sa pinas.

mali ako, mali tayo.

mas lalo pala tayong ma-aapektuhan nito.

patapos na sana ang semestre.

may iba naman na kakasimula lang.

nauna si yorme sa pag-suspinde.

isang linggong walang klase sa lahat ng antas sa maynila.

nakakagulat.

marahil siguro malala na talaga ang sakit na ito.

biglang hirit ng pangulo, lahat ng klase sa buong metro manila suspendido na.

dyahe!

kaliwa't-kanan na ang balita sa mga pilipinong positibo sa nasabing sakit.

mas dobleng pinag-iingat ang bawat-isa sa komunidad.

iwasang idikit sa mukha, mata, ilong, bibig ang kamay.

ito daw ang unang malakas makahawa ng virus.

ubos ang facemasks, pati na rin ang alkohol at sanitizers.

dyahe, dahil ito ang pangunahing pamatay mikrobyo.

pero mas lalong dyahe dahil sa mga taong bumili ng isang katerbang alkohol.

sabay, benta ng doble-triple presyo.

isang buwan din ang community quarantine lockdown.

kesa tumambay at dumagdag sa mga pasaway na kapitbahay sa labas,

iikutin mo na lang talaga ang bahay niyo sa buryo.

pasalamat pa rin sa mga telepono at ibang libangan.

pero sumagi ba sa isip mo yung mga walang-wala?

na yung tipong kabuhayan nila ay nasa kalsada?

wala kang karapatan mag-reklamo kung bakit delata ang araw-araw na nakahain.

kung sila nga ni-delata hindi nakakakain.
bukod sa problema ng pagkain, ligtas rin ba sila sa sakit?

kung araw-araw ay nalalanghap nila ang hangin ng sasakyan at kalsada?

mapapa-isip ka bigla.

halos nasa kalahati na tayo ng mahabang proseso.

kaya mo pa ba? kayanin mo.
galaw lang hangga't gusto mo.

basta sa loob ka lang ng bahay.

di natin alam kung matatapos nga ba 'to sa loob ng tatlumpung-araw.

araw-araw dumarami ang positibo.

pero lagi tayong tumingin sa maliwanag na parte ng krisis na 'to.

makinig at disiplinahin ang sarili, yan ang matinding ambag mo.

bawat bukas ay panibagong pag-asa.

saludo sa mga frontliners na araw-araw nakikipag-laban sa virus.

pati sa mga tagapag-palaganap ng kapayapaan sa bawat kalsada.

kung pwede lang yumakap sa inyo, ginawa na namin.


kaso social-distancing muna.

distansya muna sa bawat-isa, tsaka na ang apir day.

makakabawi rin kami sa inyo!

hindi na kami makapag-hintay nang pag-anunsyo niyo na ang pilipinas ay covid-free na.
kayo ang tunay na bayani sa laban na 'to!
malalampasan din natin 'to!

palag lang, pinas!
 

// kahlil calamiong, 2020.
 

bottom of page