top of page
tintabanner.JPG

MARCH 13, 2020, MNL, PHL.

tinta sa balat.

mula sa konsepto ng perpekto ni dong abay.

sabi nila dumi lang daw sa katawan ang tato.
hindi ka makakapag-bigay ng dugo sa ibang taong nangangailangan.
mahihirapan ka humanap ng trabaho.
huhusgahan ka ng mga tao sa paligid mo.

sabi naman ng iba dito nila nailalahad ang sarili nila.
dito daw nila maipapakita ang pagmamahal nila sa sarili at mga mahal sa buhay.
marami rin sa kanila ang may tinta sa balat dahil sa mga idolo nila.
may iba rin na para dagdag angas sa itsura.

isa rin ako sa mga naghahangad matintahan ang balat.
bukod sa hindi pa ako tapos mag-aral, gusto ko muna magkaroon ng pirming trabaho at buhay.
unang pumapasok sa isip ko kung ano ang una kong ipapa-tinta, litrato ng magiging anak ko.
dahil ito ang habambuhay na magtutulak sa akin upang maging mabuting tatay at taga-pagtaguyod sa pamilya.
ilang taon muna siguro ang lilipas bago ko matupad yan.

matagal nang nakatanim sa kukote ko ang konsepto na 'to.
sa tulong ng internet, at mga kaibigan nagkaroon ako ng pagkakataong mabuo at masulat ang mga ito.
isang panawagan lang sabay palitan ng iba't ibang komento at mensahe.
iba't-ibang klase ng tao, lalake, babae, estudyante, trabahador, tambay atbp.

bawat tinta sa balat may kanya-kanyang eksplanasyon at depinisyon.
bakit nga ba sila nagpa-tinta?
ano ba ang tinta sa balat nila?
tungkol saan nga ba ang tinta nila?









 

iba't ibang klase ng tao ang nakausap at nalitratuhan ko.

bawat isa ay may kanya-kanyang paniniwala at eksplanasyon.

may ibang tinago ang pagkakilanlan dahil sa pansaraling dahilan.

may iba naman nilahad ang totoong kulay at dahilan sa mga tintang naka-marka sa kanilang mga balat.

samu't-saring kwento ang narinig ko sa kanila.

ang dami rin tanong ang umikot sa utak ko habang nakikipag-usap.

masakit ba ang magpa-tinta? ano ba ang kahihinatnan kapag nagpa-tinta ka sa balat?

ito ay permanente at mahirap alisin.

tattoo gamit ang makina, mano-manong pag-pukpok sa balat.

ito ang mga kadalasang proseso upang magkaroon ka ng tinta sa balat.

biglang tanong ng "ano ibig sabihin ng tinta sa balat mo?"

 

"nakita ko lang sa fb tas nagandahan ako."

"wala lang trip ko lang yung design."

"anniversary tattoo namin ng asawa ko 'to."

"ito kasi yung nagsisymbolized ng pagka-tao ko."

isa sa mga tumatak sa akin yung dyamanteng tattoo.

sa kalagitnaan ng masinsinang kwentuhan, doon ko nadama yung sakit at tibay ng loob niya sa likod ng tinta niya.

nasaktan at nalunod ng sobra sa problema.

"gusto kong magpa-tattoo, gusto kong masaktan."

tinanong ko siya kung bakit ayun ang pina-tinta niya.

"kahit sobrang down ko na... kasi yung diamond kahit mahulog yan yung halaga niya same pa din... kumikinang pa din, no matter what."

doon ko napagtanto na hindi talaga biro ang pagkakaroon ng tattoo.

at hindi porket maganda ang disenyo, ayun na yon.

sa likod ng maganda at makulay na tinta, may pait at sakit na kwento.

nagtanong rin ako kanila kung ano ang mga payo nila sa taong gustong magpa-tinta sa balat.

sabi nila, pag-isipan mabuti kung ano ang ipapa-lagay mo.

bawat disenyo, pwesto ay may dahilan.

sabi rin, nagpalagay sila ng tattoo dahil trip lang nila.

pero habang tumatagal nagkakaron na ng dahilan kung bakit ayun ang ipina-tinta nila.

'di nila namamalayan na ayun pala ang magiging simbolo ng sarili nila.

iba-iba man ang kanilang depinisyon kung ano ba ang tinta sa balat nila.

pero dama mo yung halaga ng bawat tinta sa kanilang mga balat.

hindi natin alam kung ano nga ba ang dahilan ng iba kung bakit sila nagpa-tinta.

hindi porke tatoan, makasalanan at madumi tignan.

iwasan ang panghuhusga.

mabuhay nang mapayapa at masaya.

makuntento sa kung anong nakalaan.//

hanggang sa susunod na pagsulat!

maraming salamat sa pagbasa!

doble ingat, yakap at pagmamahal sa bawat isa!

// kahlil calamiong, 2020.

bottom of page